Isang Pagsusuri sa "Princess Sarah"
Isa sa mga palabas na pumukaw ng aking pagkawili mula pagkabata ay ang "Princess Sarah". Marahil nga sa sobrang pagkahumaling dito ay makailang beses ko nang napanood ang iba’t ibang bersyon nito. Una kong nasilayan ang palabas bilang isang pelikula na kinatampukan ni Camille Pratts, na siyang gumanap bilang si Sara Crewe. Di naglaon, nasaksihan ko naman ang aking sariling matiyagang sinusubaybayan ang pang-araw-araw na episodyo nitong ipinalabas sa telebisyon. At sa paglipas ng ilan pang taon ay natunghayan ko naman ang makabagong bersiyong ginawa at ipinalabas ng ABS-CBN. At sa katunayan magpasa-hanggang ngayon ay buong sabik ko pa ring inaabangan ang nabanggit na pelikula sa tuwing ipapalabas ito sa Studio 23. Kapansin-pansing lahat ng bersyong ito ay ipinalabas ng ABS-CBN sa iba’t ibang taon sa bagong milenyo. Marahil maituturing ko ngang nagkaroon ng malaking bahagi ang nasabing estasyon sa aking pagkahumaling sa kuwento ni Princess Sarah. Sa totoo lang, minsan na ring sumagi sa aking isipan ang tanong kung bakit nga ba napili ng ABS-CBN na ipalabas ito ng napakaraming beses na siya namang tinangkilik pa rin ng marami. At tulad ng iba pang mga pumatok na palabas, naniniwala akong isang dahilan kung bakit naging matagumpay itong dayuhang palabas sa Pilipinas ay dahil sa posibleng malapit na ugnayan ng buhay ng bawat karakter sa mismong kuwento ng buhay ng nakararaming Pilipino. At dito na nga iinog ang aking pahayag sa pahinang ito – ang "Princess Sarah" bilang isang tagapag-udyok ng paglikha.
Una sa lahat, ang panitikan bilang isang tagapag-udyok ng paglikha ay kumikilala sa papel ng panitikan bilang tagapagtukoy sa sistemang umiiral sa lipunan. Sa gagawing pagsusuring ito, aking ilalapat ang “Princess Sarah” sa bansang Pilipinas upang lalong makita ang ugnayan nito bilang isang tagapag-udyok ng paglikha.
Isa sa nakikita kong sinasalamin ng kuwento ni Princess Sarah ay ang pagkakaroon ng social class sa ating lipunan at ang kaakibat nitong di pantay-pantay na pagtingin sa mga nabibilang sa sinasabing iba't ibang pagpapangkat (mahirap at mayaman). Sa palabas, mapapansin ang malaking agwat na namayani sa pagitan ng mga mag-aaral at ng mga namamahala sa paaralan na may kaya sa buhay at ng mga katulong na hindi nagtataglay ng parehong yaman. Mas napalitaw pa ang ideyang ito nang naging katulong na ang dating mag-aaral na si Sarah matapos mamatay ang kanyang ama sa isang aksidente sa minahan. Makikita natin dito na ang materyal na yaman, partikular na ang pera, ang siyang nagtatakda ng pagkabilang ng isang tao sa partikular na pangkat. Dahil nga sa itinuring na si Sarah bilang isang mahirap na lamang na bata, nag-iba na ang pagtingin sa kanya ng punungguro ng paaralan, na si Ms. Minchin, pati na rin ang dating mala-prinsesang pagtrato sa kanya noon. Napalitaw na ngayon ang hindi makatwirang pagtrato sa kanilang mas mababa ang katayuang panlipunan. Halimbawa na lamang ay ang eksena kung saan makikita ang kakulangan ng magkaibigang Sarah Crewe at Becky sa pagkain. Tanging kapirasong tinapay lamang ang madalas na kanilang kinakain na kung tutuusi'y di sapat para sa pangangailangan ng kanilang katawan. Ang mga litrato mula sa mga piling eksena sa palabas ay nagpapakita rin ng magkaibang pagtrato ni Miss Minchin sa isang mayamang estudyante at sa isang hamak na katulong lamang.
Makikita natin ang pag-iral ng parehong ideya ng social class sa Pilipinas sa pagkakaroon din ng agwat sa pagitan ng mahirap at mayaman. Siyempre, tulad ng sa palabas, materyal na bagay pa rin ang batayan sa pagkabilang sa mga pangkat na ito. Kadalasan ay itinuturing ang mga mayayaman bilang makapangyarihan at ang mga mahihirap naman bilang mga walang laban sa mas nakatataas. Ang pagtamo ng hindi pantay na pagtrato ay mapapansin sa animong magkaibang karapatan na tinatamasa ng mga mayayaman at ng mga mahihirap na kung saan ay lagi namang pinapaburan ang mga mas nahagiginhawa sa buhay.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Atty. Andre de Jesus, pakultad ng Commercial Law Department, inilahad niyang higit na pumapabor ang hustisya sa mga makapangyarihang personalidad. “Kapag mayaman ka, mas marami kang pwedeng mapiling abogadong mas mahusay,” ani de Jesus. Ipinunto ni de Jesus na, dahil may korelasyon sa taas ng singil ng abogado at sa husay at kaalaman nito, maliit ang tsansa ng mahihirap na makakuha ng mga dekalibreng abogado. Higit pa rito, tinukoy din ni de Jesus na kinikilingan ng hustisya ang ilang mamamayang may koneksyon sa matataas na opisyal ng pamahalaan (Mara, 2013).
Source: Mara, Brian. "Kalakarang palyado: Pagkiling ng hustisya sa ilang makapangyarihang Pilipino". Ang Pahayagang Plaridel. Nob. 28, 2013. Web. <http://plaridel.ph/bayan/317/Kalakarang_palyado:_Pagkiling_ng_hustisya_sa_ilang_makapangyarihang_Pilipino#.U1sxWqJqk24>
Isang meme na nagpapakita ng hindi pantay na pagtingin sa mayaman at mahirap pati na rin ang hindi pantay na pagtrato ng mga ito. Ipinaparating nito na ang pagiging mayaman ay nangangahulugan ding pagkakaroon ng kapangyarihan laban sa mga mahihirap. At ang kahirapan ngayon ang tila nagtatanggal ng karapatan sa mga taong ipagtanggol ang kanilang sarili sa lipunan.
Samantala, isa pang ideyang panlipunang makikita sa palabas ay ang maagang pagtatrabaho ng mga kabataan dahil sa matinding pangangailangan. Si Becky, dahil sa kanyang matinding hangad na suportahan ang kanyang ina't mga kapatid ay piniling mamasukan bilang katulong sa seminaryo. Pinakita rin ang karakter ng batang si Peter na naging carriage driver pa ni Sarah. Kung tutuusin, ang mga batang katulad nila ay dapat humahawak pa ng lapis at papel at hindi ng walis at bunot. Sa kanilang murang edad, dapat ay nilalasap pa nila ang kanilang karapatan sa edukasyon.
Hindi natin maipagkakait ang katotohanang makikita sa ating bansa. Dala ng matinding kahirapan, mas pinipili pang isakripisyo ng marami ang edukasyon kapalit ng perang makukuha sa pagtatrabaho. Ang nakalulungkot pa ay napupunta ang mga kabataang ito sa mga trabahong maaari pang magdala ng banta sa kanilang kalusugan, tulad na lamang ng pangangalakal at pagbabasura. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga taga-Ateneo de Manila University, napag-alamanang noong taong 2001, apat na milyong kabataan ang nagtatrabaho upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
More recently, the National Statistics Office (NSO) released alarming figures on the labour of children – about one of six Filipino children need to work to support his or her family. Four million of the 25 million Filipino children aged 5 to 17, or around 16 percent of the total, were "economically active," based on a survey covering Oct. 1, 2000 to Sept. 30, 2001. This was almost unchanged from the figure recorded in a similar survey for 1994-1995. Most of the working children were male, aged 10 to 17 years old. Seven out of 10 children worked in rural areas. The majority of them worked as unskilled, unpaid labourers in family farms (Fernando, Leonardo and Tamangan, 2003).
Your browser does not support viewing this document. Click here to download the document.
Isang pag-aaral sa pagtatrabaho ng mga kabataan sa Pilipinas.
|
Mga larawan nagpapakita ng mga kabataang nagtatrabaho.
|
Bilang pagtatapos, nakita natin kung paanong sinasalamin ng Princess Sarah ang sistemang umiiral sa lipunan ng Pilipinas sa bagong milenyo. Sa tulong ng iba't ibang teksto at ebidensyang pampanitikan ay nakita nating tinatalakay ng palabas nito ang pagkakaroon ng di pantay na pagtingin dala ng magkakaibang katayuang panlipunan, ang di pantay na pagtrato sa mga klasipikasyong itinakda ng lipunan at maging ang realidad na kinahaharap ng mga batang nagtatrabaho sa murang edad. Dahil dito, masasabing tunay ngang ang palabas na "Princess Sarah" ay nagsisilbi bilang isang tagapag-udyok ng paglikha.